Sa Ating Tagpuan

Nasa timog ako at ikaw’y sa hilaga
Sadyang kay layo natin sa isa’t isa
Ngunit di hadlang ang ating distansya
Kung ako’y ninanais mong makita

Malayo man ang aking lalakbayin
Handa naman akong ito ay bagtasin
Makapiling ka kahit isang saglit
Maramdaman mo lang na ako’y malapit

Sabihin mo lang at ako’y tutungo sa ating tagpuan
Habang hinihintay ang ‘yong kanlungan
Alam kong darating ka kahit anong mangyari
Sa mga dahilang di ko mawari

Doon sa ating tagpuan ay walang kasing saya
Bawat sandali ay sadyang maligaya
Kalungkutan natin ay pansamantalang napapawi
Sa isang saglit na tayo’y nagawi

Sa ating tagpuan alam kong tayo’y malaya
Mahahawakan at mayayakap ka sa tuwina
Ang akin lamang hiling ay tumigil ang orasan
Upang ikaw’y makasama ng di panandalian

Antok

Kanina hindi mo ko nilulubayan
Hinahatak mo ang aking mata’t katawan
Ngayong nahiga sa kama bigla ka namang nawala
Halika, dalawin mo ng di naman ako kawawa

Lagi na lang wala ka sa tama
Dumarating kung kelan ako’y may ginagawa
Ginugulo mo ang aking atensyon
Kinukuha mo lahat ng atraksyon

Ngayon kailangan na kita
Panahon na para makapagpahinga
Sa buong maghapon ng paggawa
Pagbigyan ng ako naman ay matuwa

Dapat pa ba?


Ako ba’y dapat pang manatili at magtiwala
Sa pangarap na bukas na syang tinitingala
Sa mga salita mong aking sinasandalan
Nararapat pa bang aking panghawakan?

Nais kong iyong malaman
Kung gaano ako nasasaktan
Hindi dahil sa pananatili
Kundi sa iyong hindi pagkandili.

Alam kong alam mo ang ibig kong sabihin
Di ko na ito dapat pang salitain
Kay hirap ng ganitong kalagayan
Maramdaman mo sana ang aking kalungkutan.

Mahabang panahon ang babakahin
Di na alam kung kaya pang tiisin
Umasa sayong salitang maigi
Sa minsa’y iyong pangarap na minimithi.

Kay hirap lumaban ng mag-isa sa digmaan
Na walang kakampi para mapagtagumpayan
Ano pa ang silbi kung sandata’y wala
Tila sumugod sa kalaban upang buhay idala.

Bigyang liwanag ang aking isipan
Maging damdamin ay puspusin ng kasagutan
Upang matapos itong paghihirap
Nang kasiyahan naman ang aking mahagap.

Magpokus.

Ituon ang isipan sa nararapat
Tupdin ang tungkulin ng matapat
Iaalay ang ‘yong isip at buong puso
Kung maaari, ngayon, ako’y limutin ng husto.
Ganyan ang iyong gawin
Magpakasipag at sarili’y aliwin
Ibaling ang nadarama sa paggawa
Sa tamang panahon ay ‘yong matatatwa.
Ang mga araw ay mabilis lumipas
Pagsapit ng gabi’y sadyang kumakaripas
Wag mabahala sa haba ng panahon
Pumikit dumilat ayan na naman ang hapon.
Ikaw’y mapanatag at magtiwala sa itaas
Kalungkutan h’wag sanang mabakas
Tandaang ang lahat ay naayon sa Kanyang kalooban
Kabilang rito kung ikaw’y para sa kaninuman.