Tanong

Dalawang taon kong kinimkim

Tiniis at tinago dito sa aking damdamin

Isinaalang alang ang panahon

Pagkat inisip na di pa tama kung noon

 

Ngunit, subalit, datapuwat

Alam ko sa pagkakataon ngayo’y dapat

Upang masagot ang aking mga katanungan

Na siyang aking matagal ng pinapasan

 

O sana iyong bigyang kasagutan

Ang lahat ng tanong sa aking isipan

Baka ang lahat ng ito ay akin lamang

Dahil wala naman palang tayo na inaabangan

 

Ibulong mo man lang sana sa akin

Kahit paano ito ay aking nanaisin

Nang sa gayo’y maliwanagan ang damdamin

Na dito’y naghintay ng kay tagal hanggang hapuin

 

Huling Tula

Sa haba ng lumipas na panahon, sa wakas matatapos na rin

Hindi ko alam kung gaano kahaba ang mga salitang isusulat ko

Ilang letra ang mabubuo at abutin pa ng ilang pahina

Ngunit pangako, ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo

Matapos man ang araw at abutin man ako ng gabi

Uubusin ko ang lahat ng salitang maaring tumugma sa pangalan mo

Pero hindi ko titipunin ang lahat dito sa loob ko

Dahil pangako, ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo

Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paano tayo nagkakilala

Sa kung paano mong sinabing gusto mo ako

Ang araw na iyon kung saan ako ay iyong niyakap ng mahigpit

At ako naman tong naniwala sa pagpapahayag at mga pahiwatig

Hindi ako telepono na kukuhanin mo lang sa bulsa pag kelangan mo ng koneksyon

Ang koneksyon para bigyan ka ng atensyon

Hindi ako relos na titignan mo lang upang malaman ang oras

Ang oras na ninanais sa pansariling aliw

Hindi ako bagay na pag matutulog ka sa gabi’y ilalagay mo sa isang sulok

Ang sulok na tagung-tago sa takot na ako’y manakaw ng iba

Ang nais ko ay mahalin, ang kelangan ko ay pagmamahal

Nais ko na mahalin mo ako gaya ng kape mo sa umaga

Na tamang tama lang ang tamis at pait, kelangan para sa init

Ngunit hindi naisasantabi dahil nanlamig na

Nais ko na mahalin mo ako gaya ng unan mo sa gabi

Niyayakap sa panahong ginaw, sinasandalan kahit mainit ang panahon

At binubulungan ng mga pinakatatago mong panaginip

Hindi basta itinatapon dahil wala ng pakinabang

Nagsulat ako noon upang ilahad ang aking nararamdaman

Ang bawat saya, galak at tuwa na dulot mo

Patawarin mo ako pero magsusulat ako upang ilahad pa rin ang aking nararamdaman

Ngunit sa bawat lungkot, pagluha, at kalumbayang hatid mo

Sa huling pagkakataon na magsusulat ako ng tula para sayo

Gumawa tayo ng kasunduan, patatawarin kita ngunit patatawarin mo rin ako

Patawarin mo ako sa hindi ko pagtahan at patatawarin kita sa hindi mo pagluha
Patawarin mo ako sa hindi ko pag alis at patatawarin kita sa hindi mo pananatili
Patawarin mo ako sa hindi ko sayo paglimot at patatawarin kita sa hindi mo sakin pag-alaala

Patawarin mo ako sa hindi ko pagbitiw at patatawarin kita sa hindi mo pagkapit
Patawarin mo ako sa hindi ko paglayo at patatawarin kita sa hindi mo paglapit
Patawarin mo ako sa hindi ko pagsuko at patatawarin kita sa hindi mo pagsugal

Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paano tayo nagkakilala

Sa kung paano mong sinabing gusto mo ako

Magsisimula uli ako sa umpisa, sa kung paano tayo nagkakilala

Magsisimula uli ako sa umpisa,

Magsisimula ako uli…

Magsisimula ako…

Ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo, mali

Ito na ang huling tula na isinulat ko tungkol sayo

Inibig kita, at ubos na ubos na ako…

(This poem was inspired by Juan Miguel Severo’s “Ang Huling Tula na Isusulat ko Para Sayo”.)

Ang Ating Kwento

Gusto kong isulat ang ating kwento

Ang istoryang aking pinapangarap

Tila isang panaginip para maging totoo

Ngunit malay natin ito ang maging hantungan sa hinaharap

 

Malaman mo sana ang sayang binibigay

Galak na syang aking nararanasan

Sa bawat panahon ng aking buhay

Kasiyahang aking taglay wag nawa sanang lumisan

 

Tila natagpuan ang aking hinahanap

Sa mahabang panahon ng aking paghihintay

Ito na ba ang syang hinahangad,

Na buong buhay kong hinihintay?

 

Gusto ko mang isulat ang ating kwento

Alam ko mas mabuti kung Siya ang bubuo

Ang susulat ng bawat titik at salita

Na pupuno sa ating bawat pahina

 

Tiyak ko mas magiging makabuluhan ang bawat kabanata

Kung hahayaang Siya ang magsinop ng ating istorya

Tanging Siya ang makasusulat ng pinakamainam na kwento

Na ating titipunin para magiging isang natatanging libro

Ngayon

Wala akong masabi

Sa lahat ng nangyayari

Basta’t isang araw nagsimula lahat

Kung babalikan pa’y di na mailalahad

 

Pag-asam sa nakaraan ay pilit kinakalimutan

Nalimot na nga ba o pikit matang kinaligtaan

Maging pagtanaw sa hinaharap ay di pinag-aksayahan

Pagkat ang mahalaga ay ang kasalukuyan

 

Kahapon, ako ay nangarap

Sa mga panahong ni halos ayaw kumurap

Bukas, hindi tiyak ang magaganap

Kaya ngayon, dito ako at hindi maghahanap

 

Dito na lamang ako titingin

Kung ano ang nasa aking harapan

Wala na akong lilingunin

Dahil masaya na ako sa kaganapan

Alaala

Mula sa aking kinaroroonan

Sa lugar na aking kinatatayuan

Hindi na malaman pa

Kung talagang naganap nga ba

 

Sa aking isipa’y lahat makatotohanan

Tuwing inaalala ang kahit pano’y pinagsamahan

Napakaikling panahon nga lamang

Ngunit sadyang ito’y nakalalamang

 

Gusto kong balikan ang kahapon

Sa eksaktong panahon at pagkakataon

Kung saan una tayong nagkita

Sa lugar na tayo’y nagkakilala

 

Isang napakatamis na kahapon

Ang syang aking nais ibaon

Sa kasalukuyang pakikipagbaka

Nawa’y aking matamasa

 

Walang katumbas ang pinagsaluhang alaala

Pinagbigyan panandalian ang nadarama

Na kahit sa agaw na pagkakataon

May kayamanang naitago sa kahon

Sarado

Wag ng magtaka kung hindi paraanin
Matagal nang nilimot ang isang hangarin
Wag rin namang magpumilit
Sapagkat walang may nais sa mapilit
Sa ngayon masaya na ako ng ganito
Kaya maari ba hayaan lamang ako

Himig ko ay pakinggan mo
Ang pintuan ay nakakandado
Huwag ng piliting buksan
Sapagkat susi’y hindi masusumpungan

Wag mo ng hanapin kung nasaan
Tigil at mapapagod ka lang naman
Hangga’t maaga pa sinasabi ko sayo ito
Matuwa ka at nasambit ko sayo
Nang huwag ka ng sumugal dito
Sa labang hindi ka mananalo

Bakit?

Sa pagkakaalam ko masaya ka para sa akin
Ibang galak nang nalaman mong ako’y nagwagi
Pinaramdam mo ang iyong pag-aasam na ako’y makitang muli.                                                                                 At tulad mo, iyon na rin ang tugon ng aking damdamin

Ngunit sa kabila ng ating nagagalak na mga puso                                                                                                               Sa isang sandali ay bigla ka na lamang nawala                                                                                                                     Di alam kung talaga bang sinadya                                                                                                                                               O siyang kapalaran natin ay likas na tuso

Lahat ng maaaring dahilan ay inisip ko na                                                                                                                           Nagtataka sa biglaang pagkawala                                                                                                                                              Sa katahimikang hindi inakala                                                                                                                                                  Sadya bang mailap lang sa ating ang tadhana

Maraming tanong gumugulo saking isipan                                                                                                                           Puso ko’y pinuno ng takot at pagkabalisa                                                                                                                             Ang mahiwagang tanong lamang ay iisa                                                                                                                       Sambitin mo lang kung anong iyong dahilan

Matutong maghintay

Sabi nila dapat daw marunong kang magtiis at magtiyaga
Pero hindi ba nakakainis maghintay lalo kung mahaba ang pila
Ilang oras kang nakaupo at matamang nag-aantay na tawagin
Naiinip ka na kung bakit kasi ang tagal bago ka papuntahin

Wala na sigurong ibang kinaiinisan gawin kundi ang maghintay
Yung iba naghihintay na dumating ang mga mahal nila sa buhay
O kaya nag-aantay tawagan ng kanilang mga inaapplyang trabaho
Ang iba pa nagtityagang antayin kung kelan ang problema nila ay maglalaho

Ang ilan tila wala ng ibang pinagdidiskitahan kundi intayin kung sino ang para sa kanila
Para bang wala ng ibang mahalaga na dapat unang pagtuunang pagtityaga
Samantalang mas maraming bagay pang mas nararapat na asikasuhin
Ngunit sa kabilang banda, ito ay dapat din namang pagtuunang pansin

Sa lahat ng bagay na iyong minimithi sa buhay tama lang na matutunan ang matiyagang paghihintay
Sapagkat ito ang susi sa pagtatagumpay sa anumang bagay na iyong gustong mataglay
Tandaang sa tamang panahon at pagkakataon mapapasaiyo ang yong mga kagustuhan
Basta gawin mo lang magtiyagang maghintay ng walang pag-aalinlangan

Bisita


Ang pagdating mo’y biglaan
Sabi nga nila, di inaasahan
Inanyayahang pumasok sa aking tahanan
Pinaupo kahit di alam ang ‘yong pinagmulan
Gayunpaman ako’y masaya
Sapagkat ikaw’y aking nakilala

Lubos akong nagalak sa iyong pagdating
Sa mga usapang kay layo ng narating
Matamang pinakinggan ang ‘yong paglalahad
Buong atensyon ang siyang ibinayad
Tunay na walang kasing saya sayong piling
Habang tumatagal ako’y nahuhumaling

Panandalian ako ay nakalimot
Sa realidad na masalimuot
Naaliw sa iyong pagdatal
Ako ay naniwalang ika’y magtatagal
Nakaligtaan ko na bisita ka nga pala lamang
Na ang pananatili mo ay panandalian lang

Antok II


Gusto ko ng matulog, totoo
Maniwala ka nais ko ito
Ngunit tila ayaw akong pabayaan
Wala ka pa rin sa aking lubusan

Pagod ako sa maghapon, tunay
Sa mga gawaing nakakaumay
Ngunit kailangang trabahuhin
Ang paggawang dapat tapusin

Pansinin mo naman ako, halika
Kanina pa kitang di makita
Hinahanap kung nasaan ka na
Dalawin mo ako kahit saglit lang