Huling Tula

Sa haba ng lumipas na panahon, sa wakas matatapos na rin

Hindi ko alam kung gaano kahaba ang mga salitang isusulat ko

Ilang letra ang mabubuo at abutin pa ng ilang pahina

Ngunit pangako, ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo

Matapos man ang araw at abutin man ako ng gabi

Uubusin ko ang lahat ng salitang maaring tumugma sa pangalan mo

Pero hindi ko titipunin ang lahat dito sa loob ko

Dahil pangako, ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo

Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paano tayo nagkakilala

Sa kung paano mong sinabing gusto mo ako

Ang araw na iyon kung saan ako ay iyong niyakap ng mahigpit

At ako naman tong naniwala sa pagpapahayag at mga pahiwatig

Hindi ako telepono na kukuhanin mo lang sa bulsa pag kelangan mo ng koneksyon

Ang koneksyon para bigyan ka ng atensyon

Hindi ako relos na titignan mo lang upang malaman ang oras

Ang oras na ninanais sa pansariling aliw

Hindi ako bagay na pag matutulog ka sa gabi’y ilalagay mo sa isang sulok

Ang sulok na tagung-tago sa takot na ako’y manakaw ng iba

Ang nais ko ay mahalin, ang kelangan ko ay pagmamahal

Nais ko na mahalin mo ako gaya ng kape mo sa umaga

Na tamang tama lang ang tamis at pait, kelangan para sa init

Ngunit hindi naisasantabi dahil nanlamig na

Nais ko na mahalin mo ako gaya ng unan mo sa gabi

Niyayakap sa panahong ginaw, sinasandalan kahit mainit ang panahon

At binubulungan ng mga pinakatatago mong panaginip

Hindi basta itinatapon dahil wala ng pakinabang

Nagsulat ako noon upang ilahad ang aking nararamdaman

Ang bawat saya, galak at tuwa na dulot mo

Patawarin mo ako pero magsusulat ako upang ilahad pa rin ang aking nararamdaman

Ngunit sa bawat lungkot, pagluha, at kalumbayang hatid mo

Sa huling pagkakataon na magsusulat ako ng tula para sayo

Gumawa tayo ng kasunduan, patatawarin kita ngunit patatawarin mo rin ako

Patawarin mo ako sa hindi ko pagtahan at patatawarin kita sa hindi mo pagluha
Patawarin mo ako sa hindi ko pag alis at patatawarin kita sa hindi mo pananatili
Patawarin mo ako sa hindi ko sayo paglimot at patatawarin kita sa hindi mo sakin pag-alaala

Patawarin mo ako sa hindi ko pagbitiw at patatawarin kita sa hindi mo pagkapit
Patawarin mo ako sa hindi ko paglayo at patatawarin kita sa hindi mo paglapit
Patawarin mo ako sa hindi ko pagsuko at patatawarin kita sa hindi mo pagsugal

Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paano tayo nagkakilala

Sa kung paano mong sinabing gusto mo ako

Magsisimula uli ako sa umpisa, sa kung paano tayo nagkakilala

Magsisimula uli ako sa umpisa,

Magsisimula ako uli…

Magsisimula ako…

Ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo, mali

Ito na ang huling tula na isinulat ko tungkol sayo

Inibig kita, at ubos na ubos na ako…

(This poem was inspired by Juan Miguel Severo’s “Ang Huling Tula na Isusulat ko Para Sayo”.)

Advertisements